Miyerkules, Pebrero 26, 2014

Dopamine



Mangyaring magkakasalubong kayo sa daan, tapos magbabanggaan ang mga mata niyo, at pagkatapos mararamdaman mong halos iluwa mo na ang puso mong inu-untog ang sarili niya sa ribs mo, at syempre di pahuhuli sa eksena ang pagpapawisan ka, at pagkatapos.... Maririnig mo nalang ang mga barkada mong mas malakas pa ang hagalpakan at pagkakilig kesa sayo... Pahamak! Saka ka nalang tapos kikiligin at magtutumbling-tumbling kung pag ayun... limang metro na ang layo sayo... Buwis buhay! Grabe side-effect ni crush.

Trending ang love kahit sa’n ka lumingon, halos lahat ng view meron nito. View! Naalala ko tuloy ‘yung gas-gas na text message- ang love maraming view: front view, side view, back view... pero ang pinaka the best ay ‘yung i love view! Corny! Well, kaya nga love eh! Kung sa facebook best in like; kung sa twitter super follow with matching hush-tag. Uso! Wala naman kasing kinikilalang panahon, tao, lugar, oras, o sitwasyon ang pag-ibig. Kahit sa’n ka man naroon, anong oras man, sino man ang kasama mo basta’t marunong kang makibagay, maki-ayon, at makipagkapwa-tao hindi mahirap ang mapa-ngibabaw ang pag-ibig, napakadali natin itong malalaraw sa mukha ng mundo. Ilang mukha man meron ang mundo. Wala itong sini-sino at walang tini-tingala. Drama! Well, kaya nga love eh!

Scientifically speaking now! Henyo? Ang love daw ay nareregulate at na-aactivate sa hypothalamus at hindi sa puso, oo na! I know! Ang iba sa inyo gets na ang bagay na ‘yun, but then again may mga ibang bagay pa- Dopamine! Ang feeling ng pagiging in-love ay napapasidhi at nagpapa-alab sa tinatawag nilang Dopamine as in do-pa-meen, isa ito sa mga chemicals sa ating katawan na neurotransmitter daw, super important ito sa pag-papaandar ng ating central nervous system. Nose bleed! Pero sa madaling-describe ‘yung parang gasolina bang magtaas lang ng isang sentimo, naku! Buong Pilipinas nagkakagulo. Hanep! Busy ang drama ng lolo mong dopamine na ‘to, sapagkat dalawa ang trabaho at responsibilidad niya sa ating katawan, at ‘yung isa du’n ay patungkol sa kanina pang pinag-uusapang... LOVE! Si kuya Dopamine ang nag-boboost at nag-eenergize ng ating emosyon, ‘yung mga feelings na kapag nakikita mo ang crush mong tila nagcloud-jutsu (Naruto? Nemen! ) dahil kahit sa’n ka lumingon mukha niya ang nakikita mo, sama mo pa ‘yung pakiramdam na halos isuka mo nang puso mo sa sobrang talon nito na parang may built-in trampoline sa dibdib mo, pati pa ‘yung feeling na linalamig ka, buong katawan mong nanginginig pa, plus pa ‘yung di naman umu-ulan pero basang-basa ka... sa pawis! Relate! Buwis buhay diba? Ang ‘di ko lang ma-gets scientifically ay kung paanong nagyayaring tuwing makaka-ulayaw mo ang taong gumigising sa hypothalamus mo na pinapatakbo ni kuya dopamine eh mas kilig na kilig at todo hiyawan pa ang mga kaibigan mong wala namang kinalaman sa nararamdaman mo. Obssessed! Well, kaya nga love eh!

Maraming katanungan tungkol sa love, maraming ding sagot na parang tanong narin mismo, subalit hindi naman ‘yun sa kung ano ang tanong at kung ano ang sagot, hindi ba? Ito naman ay patungkol sa kung ano ang nararamdaman mo at sa kung ano ang kaya mong gawin tuwing nararamdaman mo ito! Ang astig ni pag-ibig, kasing lupit niya ang bulsa ni Doraemon kahit anong kailanganin mo basta’t sa ngalan ng pag-ibig pwedeng madukot,’pag kailangan ng pag-aaruga, kalinga, kaibigan, pangarap, at iba pa, nandyan si pag-ibig to the rescue, upang ang lahat ay madaling mabibigay sayo. Kasing cool ‘din ito ng bag ni Dora sa lahat ng panahon pwedeng-pwedeng sidlan ng lahat ng bagay- ng mga bituing ng ‘yung mga pangarap, ng mga ngiti ng mga taong mahalaga at estranghero sayo, ng mga pait ng buhay, ng ‘yung paghihirap at kung ano-ano pa. Bukal sa kaloobang kayang-kayang tanggapin ‘yun ng pag-ibig, kayang-kayang itago lahat ng ‘yun. Drama ulit! Well, kaya nga love eh!

Drama, emote, arte, overeact, cellphone, laptop, dota, crossfire, saging, mangga, tubo, ibon, baboy, pusa, bar exam, teachers board, kulog, kidlat, ulan, hangin, utot, hininga, luha, kili-kili, ngala-ngala, singit at kung anu-ano pang kabaliwang meron ang mundo, lahat ng ito pwedeng ihambing sa pag-ibig (transparent?), maaring mabigyang kulay gamit ang pag-ibig. Wala nang duda ‘yun! Kasi nga love diba? Love... love... love... complicated pero masarap; Pahirap pero exciting; sakit sa ulo pero enjoyable. Pag-ibig- kakaiba! Siya ‘yung parang “bring the best in you”, ‘yung parang “it’s not you, it’s me”, ‘yung parang “you complete me”, ‘yung parang “suddenly... it’s magic”, ‘yung parang ikaw at ako na parang gan’un, na parang gan’to, na parang ganyan, na parang... complicated! Well, kaya nga love eh! Kaya gan’un!


Kaya nga love. Kaya nga pag-ibig. Walang puno, walang dulo, (eh gitna kaya?). Basta nalang out of the blue (pwedeng out of the green?) susulpot na parang kabute, it guarantee’s no explanation at all! (Straight english?) Nararamdaman ‘yun sa puso, sa hypothalamus o sa kahit anong parte ng katawan- sa pancreas, sa atay, sa baga, sa intestines, o sa pantog kaya? Kahit saan du’n! Basta’t nararamdaman ‘yun, hindi sa salitang binibigkas lang (verbal non-verbal man), sa mga usong pick-up lines, sa mga tweet o kaya’y comment sa facebook, o maging sa kung ano ang sinasabi ng siyensya, sa mga theories, at principles. Kapag nagmamahal ka ba, iniisip mo pa ba kung bakit mo minamahal ang isang tao? O iniisip mo kung paano mo siya mamahalin? Nasa gitna lang naman yaon ng “ano” at “paano”. Nasa gitna nang, kung “ano mahal mo ako?” o “paano mo ako mamahalin?” hindi ba’t mas madaling sagutin ang una? Subalit mas matutukoy mo ang hangarin ng isang tao kapag ang tinanong mo ay ang pangalawa. Ang pag-ibig ay hindi patungkol sa kung ano siya bagkus ito’y nagbibigay silak sa kung paano mo siya gagamitin upang mapangiti’t mabigyang kulay ang buhay ng iba. Kaya nga love eh! Kaya ganu’n!


Salute Kuya Dopamine... salute Tito Hypothalamus (feeling close? As if related?) pero kahit wala kayo, still, Love can exist! Mabubuhay ang pag-ibig! (mabuhay ang pag-ibig!) Salitang pag-ibig pa lang ikinabubuhay na ng iba. Pag-ibig pa lang... ulam na! Kaya ikaw, anong pag-ibig ba ang meron ka upang maipamahagi sa iba? Oppppps!!!! Hindi nga ‘to tungkol du’n (sakit sa ulo!) tungkol ito sa kung paano mo maipapa-mudmod ang pag-ibig, na simula’t sapul meron ka.

Vans

November 7, 2013
06:00 a.m.

…aabot hangang signal number four ang super typhoon Yolanda na ito na tatama sa Pilipinas bukas, lalo na sa buong kabisayaan, kaya’t ang payo ng PAGASA na sana’y alalahanin ang mga safety precautionary measures at lumikas na ng maaga…

Umaalingaw-ngaw ang radyo namin sa buong bahay kasabay ng tunog na mula sa walis tambong kanina pa kaulayaw ni Nanay, habang ako’y naririto’t napapa-pogi sa salamin, marahan kong sinusuklay ang aking buhok habang nag-aaplay ng styling gel. Tsk. Tsk. Tsk. Ganito talaga ang buhay gwapo dapat always ina-alagaan ang mukha. Haha, biro lang, meron kasi akong job interview mamayang hapon ngunit kailangan kong gumising ng maaga dahil malayo dito sa Tacloban ‘yung kompanyang balak kong pasukan at aabutin ako ng mga limang oras na biyahe. So dapat early ako, mahirap ng ma-disappoint ‘yung interviewer.

“Kuya, tama na ‘yan, mam’ya mabasag ‘yung salamin,” wika ng bunsong kapatid kong si Jan-jan.

“Ulol,” tugon ko. “Mabasag ka dyan, eh kung kaltukan kaya kita?” dagdag ko pa.

“Hahaha… si Kuya pikon,” sabat niya.

“Timpla mo nalang kaya ako ng kape kaysa sa binubura-ot mo’ko dito,” tugon ko.

Tumayo siya’t nagsalute sa’kin kasabay ng pasigaw na “YES SIR!” at pagkatapos nag-martsa papunta sa kusina. Loko-loko talaga ‘yun. Lahi talaga kami ng mga may sayad.

Aktong inaayos ko ang butones ng polo ko ng pumasok si Nanay at lumapit sa’kin.

“Oh Jun-jun, tutuloy ka pa’din? Narinig mo ba ‘yang balita sa radyo, eh may bagyo daw,” asal ni Nanay habang inaayos ang kwelyo ng polo ko.

“Naku nay, walang sinong Yolanda ang makaka-pigil sa job interview na’to, tatlong taon na ang lumipas after kong grumadweyt sa college pero wala pa din akong trabaho, nay baka ito na ‘yon, hindi sapat ang pera nakukuha namin ni Jan-jan sa pagsasayaw lang, gusto kong bumawi sa inyo nay,” asal ko, in fairness medyo ma-drama tayo dun mga parekoy.

“Speaking of pagsasayaw Kuya, may sayaw tayo sa susunod na araw, November 9 ‘yon, huwag mong kakalimutan okay, oh siya, ito na ang kape niyo mahal na prinsipe, sana po’y matanggap na kayo sa pang one hundred eight na trabahong ina-applyan niyo” sabat naman ng kapatid kong hayooooop sa pagiging echuzero.

“Gung-gung ka talaga, sige ka, ‘pag ako natanggap dito sa ina-applyan ko wala kang matitikman kahit na isang kusing ‘pag sumweldo na’ko,” tugon ko.

“Aray, si kuya naman, diba lab mo naman ako,” tugon niya habang naka-ngisi.

“Siya-siya total hindi naman kita matitiis, kapag natanggap ako dito sa trabaho, ang unang sweldo ko ay para sa pustiso mo, tingnan mo nga ‘yan, nakikita ko na ngala-ngala’t gilagid mo dahil sa mga one seat apart na ngipin mo,” pang-asar ko.

“Aray ulit, si Kuya naman, ‘yung gitnang ngipin lang po ang natanggal hindi naman one seat apart talaga, pero pramis ha, pustiso ha, tatandaan ko ‘yan, nay ikaw ‘yung witness ha,” tugon ni Jan-jan.

“Naku kayo talagang mga bata kayo oo, hala Jun-jun bilisan mo na’t baka maiwan ka pa ng bus na sasakyan mo, ma-late ka pa,” si Nanay.

“Opo opo, teka lang ubusin ko lang itong kapeng pagkatabang naman. Hoy Jan-jan, nga pala may practice daw ng sayaw mam’ya kila Memeng, pumunta ka ha, hindi porke’t wala ako aabsent ka na din at pagkatapos, please naman huwag mong kakalimutan ‘yung sapatos kong naka-sampay sa bubong natin, baka kasi umulan, hindi matuyo’t wala akong maisuot sa sayaw natin sa Sabado. Naalala mo ‘yung sayaw natin last month na hindi mo nakuha sapatos ko at nabasa ng ulan,” pa-alala ko.

“Hahaha... oo kuya naa-alala ko pa, ‘yung nagsayaw ka na basa ang sapatos mo tapos, hahhaha... syet! ANG BAHO pagkatapos! Feeling ko binabad mo sa poso negro ‘yung mga paa mo, hanep sa amoy,” pang-asar niya.

“Loko-loko, basta huwag mo nang kakalimutan kong hindi kukurutin kita sa ano mo,” babala ko.

“Oo na po, mahal na prinsipe!” tugon niya pagkatapos ay nag-bow.

“Ulol,” binatukan ko nga.

“Aray! Kuya naman eh,” tugon niya habang hinihimas ang bun-bunan niya.

“Hala aalis na’ko, mag-iingat kayo ha, nay una na’ko, pasabi nalang kay Tatay ha,” tugon ko sabay kiss kay Nanay, pampa-swerte, hehe.

“Oh sige, mag-iingat ka ‘din,” tugon ni Nanay.

“Kuya, pasalubong ha,” pahabol ni Jan-jan.

“Ulol, bahala ka sa buhay mo,” sagot ko. Kulit talaga nang isang ‘yon.



November 7, 2013
07:30 p.m.


“Grabe tol, antagal ng interview sayo,” si Alan ‘to, kaibigan ko’t kasabay kong nag-apply.

“Oo nga, grabe, muntanga ako sa ibang mga tanong, pero feeling ko makakalusot tayo, hehe,” sagot ko naman.

“Pero ito ang mas grabe, anlakas ng buhos ng ulan, panu tayo uuwi nito? May payong kang dala tol?” tugon ni Alan.

“Ha? Payong? Nunca akong bibit-bit ng payong oy, kala mo sa’kin bakla?” sabat ko.

“Para nagtatanong lang, sus ikaw naman, oh pero panu tayo ngayon?” wika ni Alan.

Halos isang oras kaming nag-antay para tumila ang ulan, anak ng Nanay mo oh, ba’t kasi ngayon pa? Pwede namang sa isang taon na lang, hahaha. Pero sa wakas natigil din at ayun, mabilis kaming sumakay ng jeep papuntang sakayan ng bus.

“Pasensya na boss, wala ng biyahe ngayong gabi, grabe daw ‘yung bagyo sa’tin, signal number four yata ‘dun, mataas na ang tubig-baha at paniguradong 'di na makaka-daan ‘yung bus ‘dun. Bukas nalang kayo umuwi,” tugon ng konduktor ng bus. Hala, kinabahan naman ako ‘dun, pero for sure ayos lang sila Nanay, magaling namang lumangoy si Tatay at si Jan-jan kaya walang problema kahit bumaha. Mapag-tutulungan nilang iligtas si Nanay ‘pag hiningi ng pagkakataon.

“Naku, panu tayo nyan ‘tol?” tanong ko kay Alan.

“Don’t worry tol, may pinsan ako dito, na-alala mo pa si Eric? Malapit lang ‘yung bahay nun dito, tara d’un tayo makitulog pansamantala,” aya ni Alan sa’kin.


November 10
09:30 a.m.



“Kuya, pwede na po bang tumawid ‘tong bus papuntang Tacloban?” tanong ko sa konduktor. Dalawang araw na at ‘di padin ako naka-uwi sa’min, baka nag-aalala na sila Nanay, tapos ‘di pa ma-contact si Jan-jan.

“Ah, oo daw, medyo bumaba na kasi ‘yung tubig pero di yata aabot sa terminal, kailangan niyo ‘pang sumakay ng bangka para maka-tawid,” anang konduktor.

Dumating ako sa amin mga bandang alas-kwatro ng hapon. Grabe, Tacloban na ba talaga ‘to? Pakiramdam ko naligaw ‘yung bus na sinakyan namin at sa ibang lugar kami binaba.

“Manong, gan’to talaga nangyari dito?” tanong ko sa mamang nag-maneho ng bangkang sinakyan namin kanina.

“Grabe ‘yung bagyo toy, walang pinili, lahat winalis,” tugon niya na halos maiyak-iyak.

Habang tinatahak ko ang daan pa-uwi, na halos ‘di ko na matawag na daan ay hinayaan kong medyo mag-ikot ang paningin ko. Patay ang buong paligid, pakiramdam ko’y hindi na humihinga ang bayang kina-lakhan ko, para siyang sinalvage, ni-rape, winak-wak ang buong katawan at tinapon lang sa tambakan ng mga basura. Walang bahay ang hindi nawalan ng bubong, walang puno ang hindi natumba, at kahit saan mo ipatong ang paningin mo, nakakatakot na napakaraming bangkay ang nagkalat, bawat hakbang ko ay panalangin, Diyos ko, sana nasa maayos na kalagayan ang pamilya ko, sana walang masamang nangyari sa kanila. Puro ako sana.

Nalilito ako kung saan ako magsusuot sa dami ng poste, puno, yero, kisame, at bangkay ang nakaharang sa daan. Halo-halo na sila. Nakita ko si Aling Terie, ang Nanay ni Alan na umiiyak sa bangkay ng asawa niya, nakadapa ito sa kalsada sapagkat isang napakalaking sanga ng punong mangga ang tumusok sa likuran niya, huminga ako ng malalim at niyakap ang supot na naglalaman ng pasalubong kong T-shirt para kay Jan-jan at nagpatuloy sa paglalakad, kinakailangan kong makita sila Nanay. Halos liparin ko na ang daan papunta sa amin ng biglang nabunggo ko si Mang Berto.

“Uy, ikaw pala Jun-jun, andito ka na pala, naku alalang-alala sayo ang Nanay at Tatay mo, halos hindi nagpapahinga sa kaka-isip sayo,” tugon ni Mang Berto.

“Naku Mang Berto, ayos lang po ba sila? Asan po sila?” halos nangi-nginig kong tugon, buti nalang at magandang balita ang natanggap ko kay Mang Berto, nasa evacuation center daw sila Nanay, naka-likas sila bago pa man lumakas ang bagyo.

Mabilis kong tinungo ang evacuation center, kailangan kong makita sila Nanay.

“Nay!” Parang nag-echo sa buong evacuation center dahil sa sigaw ko, tumakbo ako papunta kay Nanay at niyakap siya.

“Anak, mabuti naman at maayos ka,” tugon ni Nanay.

“Kayo po ba? Hindi ba kayo nasaktan? Si Tatay asaan? Si Jan-jan?” sunod-sunod kong mga tanong.

“Ang Tatay mo nan’dun sa nagbibigay ng relief goods, pumi-pila, halos wala na tayong makain anak,” sagot ni Nanay.

“Eh si Jan-jan Nay?”

“Hindi pa siya bumabalik anak, ang sabi niya ay uuwi daw siya at may kukunin lang dahil may naka-limutan,” tugon ni Nanay.

“Ah ganun po ba, teka lang po at susundan ko siya, kanina pa ba siya umalis?”
tanong ko.

Tumulo ang luha ni Nanay, tumingin siya sa mga mata ko at nagsabing, “Nung isang araw pa siya umalis Jun-jun, hanggang ngayon ‘di pa siya buma-balik, ang sabi niya mabilis lang siya, pero hanggang ngayon, wala pa’din,” tugon ni Nanay. Akala ko makaka-hinga na’ko ng maluwag pero hindi pa pala, ano naman kayang kabulastugan ang pumasok sa isip ng ulol na ‘yun.

“Hanapin ko nalang po,” sabi ko kay Nanay habang yakap pa din ‘yung supot na may T-shirt kong pasalubong sa kanya. Naniniwala akong walang may mangyayaring masama ‘dun, masamang damo ‘yung bunso naming ‘yun, hindi madaling mabubura dito sa Earth. Palabas na’ko ng evacuation center ng may natanaw akong pitong kinumutang bangkay na nakahilera. Lumapit ako, kampante akong wala dito ang kapatid ko, alam ko talagang hindi siya mama-matay, may lahing pusa ‘din ‘yon eh, ilang beses na kayang nahulog sa bubong ‘yon, at parating bukol lang ang natatamo nun. Binuksan ko ‘yung kumot na naka-patong sa unang bangkay, nagulat ako dahil si Asyong pala, ‘yung tambay na parating nang-aasar kay Jan-jan, ewan ko pero imbes na matuwa ako dahil atlast deadbols na ‘yung loko eh parang ma-iiyak ako, ultra gay naman eh.

Binuksan ko yung ikalawa, huminga akong malalim, salamat at mali ang ini-isip ko,

Binuksan ko ‘yung pangatlo...

Pang-apat...

Pang-lima...

Pang-anim, wooooooooo... diyos ko, isa nalang, sana... pakiramdam ko tumigil ang oras at na-estatwa ako bigla, hindi ako maka-galaw, inii-isip ko kung totoo ba itong nakikita ko ngayon, o sadyang nana-naginip lang ako, fake lang siguro ‘to, jino-joke taym na naman ako ni Jan-jan, tama, sadyang wala lang talagang magawa sa buhay niya itong kapatid ko at na-isipang maki-higa sa mga nakahilerang bangkay para biruin ako, panigurado maya-maya lang, tatawa na ‘yan tapos sasabihin na mukha akong timang. Kuya mukha kang timang!

“Hoy, Jan-jan, bumangon ka na dyan at huwag mo nang pinaglolo-loko ang Kuya, kurutin kita sa ano mo eh, hoy bangon na!” pasigaw kong asal sa kanya.

“Jan! Hoy, Jan! Dala ko na ang pasalubong mo, bangon ka na, mukha na’kong tanga dito eh, pinag-titinginan na nila ang Kuya oh, sige ka wala kang pustiso sa unang sahod ko,” bwiset naman ‘tong kapatid ko oh, puro talaga biro.

“JANUS! HOY! TIGILAN MO NA’TO, HINDI NA NAKAKATAWA!” ngayon talagang napakalakas na ng boses ko, nagulat nalang ako na may kamay na humawak sa balikat ko.

“Nay?” asal ko at pagkatapos ay niyakap ang lumuluha nang si Nanay.

“Nay, bakit ganun? Diba nasa evacuation center na kayo? Bakit kailangan ‘pang umuwi ni Jan-jan? Bakit niyo pa siya pinayagang umalis? Nay bakit? Pano nangyari ‘to?” hinawakan ni Nanay ang dalawang pisngi ko gamit ang mga kamay niya at pagkatapos ay diretsong tumingin sa mga mata ko.

“Anak, ayaw niyang papigil, kailangan na kailangan niya daw kasing umuwi, binalikan niya ‘yung sapatos mo, baka raw kasi mabasa at wala kang ma-isuot sa sayaw niyo.”

...at tuluyan ng bumuhos ang mga luhang kanina pa nagpupumilit lumabas sa mga mata ko, halos isigaw ko na lahat ng mura sa mundo, pakshet naman oh, pinipilit kong tumahan ngunit ‘di ko magawa, maging si Nanay ay ‘di rin kayang tumigil, kaya’t ‘dun, doon lang kami, nakayakap kay Jan-jan habang walang tigil sa pag-luha.